Cordillera Day in Baguio City

KATRIBU Partylist, duly accredited by the Commission on Elections (Comelec), is participating in the May 10 elections specifically in the partylist system. KATRIBU aims to bring representatives to Congress that will uphold and protect the rights and welfare of indigenous peoples.
* KATRIBU Agenda
* Nominees of KATRIBU

KATRIBU Partylist is a member of Makabayang Koalisyon ng Mamamayan (Makabayan), a political coalition presently comprised of eight Philippine progressive parties.

Mabuhay ka kasamang Jeff !

Mabuhay ka kasamang Jeff !
Pagpupugay mula sa Katribu Party List

Una naming nakikilala si Jeff noong magpunta kami sa Palawan noong ikatlong linggo ng Abril 2010. Kasagsagan noon ng kampanya para sa eleksyong pambansa at ikinakampanya namin noon ang Katribu Partylist , isang bagong tatag na partidong pang-elektoral ng mga katutubong mamamayan sa buong bansa. Isa sa mga layunin sa pagbubuo ng Katribu Partylist ay upang mabigyan ng tunay na boses, magkaroon ng tunay na kinatawan at puspusang maipaglaban ang lehitimong interes ng mga katutubo sa loob ng kongreso.

Napakahalaga ang lalawigan ng Palawan para sa Katribu dahil sa halos kalahati ng bumubuo ng populasyon ng lalawigang ito ay nabibilang sa hanay ng mga katutubong mamamayan. Higit sa lahat, napakalahaga ang Palawan para sa adbokasiya at pakikibaka ng Katribu dahil sa isyung kinakaharap ng mamamayan ng Palawan laban sa mga kumpanya sa pagmimina na planong bungkalin at angkinin ang likas na yamang sagana pa sa buong lalawigan ng Palawan. Kabilang ang bayan ng Brookespoint, kung saan matatagpuan ang likas na kayamanang mainit sa mata at naglalaway na gustong samsamin ng mga dambuhalang kumpanya sa pagmimina. Mahigpit na tinututulan ng mga mamamayan ng Brookespoint at karatig bayan ang usaping ito ng pagmimina. Alam nila na walang mabuting idudulot sa kanila ang pagmimina sa kanilang bayan. Hindi sila , kundi mga dayuhan lamang ang makikinabang sa likas nilang yaman . Higit sa lahat alam nilang wawasakin lamang nito ang balanseng ekolohiya ng kanilang bayan na daan taon nang bumubuhay at pinakikinabangan ng buong pamayanang katutubo at hindi katutubo. Sa kabila ng pagiging kabataan , maagang nakita ni Jeff at kanyang mga kasama ang katotohanang ito. Kaya humanay sila sa mga mamamayan ng Brookespoint sa paninindigan, pagtutol at paglaban sa pagpasok ng mga kumpanya sa pagmimina sa kanilang bayan at lalawigan.

Ito marahil ang dahilan kung bakit mabilis din nagkaunawaan ang grupo ni Jeff at kami. Nagkatugma ang aming mga layunin at adbokasiya. Halos umabot kami ng magdamag sa talakayan at paliwanagan. Hindi na lamang isyu ng pagmimina ang aming napag-usapan. Pahapyaw na natalakay na rin namin ang kasaysayan ng bansa, ang ugat ng mga suliraning kinakaharap ng bayan, ang dahilan kung bakit laganap ang kahirapan, kawalang trabaho, kawalan ng sariling lupa ng mga magsasaka, mababang sahod ng mga manggagawa, korapsyon sa pangunguna ng pinakamatataas na pinuno ng pamahalan , gobyernong nagbibingi-bingihan sa hinaing ng mamamayan at bansang nasa ilalim ng kontrol ng dayuhan ang lahat halos na aspeto ng buhay ng pagiging bansa nito . Anupa't- sa halos magdamag na pag-uusap ay nagawa na naming pag-usapan at pagkaisahan lahat na lang halos ng bagay na may kaugnayan sa mamamayan.

Ang isa sa mga mahahalagang tanong ni Jeff na natatandaan ko ay kung paano daw ba magtayo ng organisasyon ng kabataan sa kanilang paaralan. Ang kanilang itinatanong ay hindi basta organisasyon. Kundi organisasyon ng kabataan na mulat sa kalagayan ng mamamayan at may layuning itaguyod ang interes ng bayan.

Sandaling panahon lang ang naging pagtigil namin sa Palawan noon. Halos 4 na araw lang . Bagama't maikli sinikap naming magamit ang lahat ng oras at pagkakataon para maipalaganap ang mithiin ng Katribu. At sa maikling panahon na yon , kung may pagkakataon lang din naman ay nakakasama namin si Jeff at mga kasama niya. Aktibo rin silang nagdidikit ng poster at streamers ng Katribu at iba pang kapatid na PartyList tulad ng Bayan Muna.

Ilang araw pagbalik namin sa Maynila ay nagsimula na akong makatanggap ng text messages mula kay Jeff at minsan mula sa kanyang mga kasama. Maraming tanong tungkol sa bayan, sa mga naging bayani ng bayan, may ilang tanong pa tungkol sa US, sa United Nation atbp . May mga tanong pa rin hinggil sa pagbubuo ng organisasyon ng kabataan. Ang mga sumunod nang txt ni Jeff ay pagbabalita na nakapagtayo na sila ng organisasyon , ang pangalan ay SIKAP ( kung hindi ako nagkakamali ang ibig sabihin ay Samahan sa Ikauunlad ng Kabataang Palaweno ) . Naging BC na siguro si Jeff nang mga sumunod na araw, linggo at buwan. Dumalang na ang kanyang pagttxt. Pero pana-panahon ay nangungumusta.

Ang huling balita ko na lang ay may 2 kabataan mula sa Palawan na pagka-gradweyt ay may planong mag-volunteer work sa isang opisinang nagtataguyod din sa interes ng sambayanang Pilipino na nakabase dito sa Maynila . At si Jeff ang isa sa kabataang iyon. Hinintay ko rin ang kanilang pagdating. Ilang araw na lang ay graduation na nila Jeff. Hindi na sana magtatagal ay makakasama na namin siya dito sa kamaynilaan. Nakalulungkot ang huling balita na nakarating sa amin, wala nang Jeff na darating. Nasawi si Jeff sa isang malagim na aksidente. Napakalaking panghihinayang ang aming naramdaman. Napakabata pa ni Jeff para lisanin ang mundong ito. Napakalaki ng kanyang potensyal. Napakalaki ng kanyang pwedeng magawa para itaguyod at ipaglaban ang interes hindi lamang ng mamamayan ng Brookespoint at Palawan, kundi ang interes ng nakakaraming masang Pilipino. Sa kalagayan ng maunlad na teknolohiya, sistemang barkadahan ng mga kabataan, computer games , kaliwa't kanang pwedeng maging libangan ng kabataan para hindi makita ang tunay na problema ng bayan, napakaswerteng napabilang si Jeff sa mga kabataang hindi ginawang balakid ang mga ito para hindi mamulat sa katotohan. Hindi si Jeff ang hinanap ng katotohan. Si Jeff ang masigasig na naghanap ng katotohanan mula sa kanilang karanasan sa maliit nilang bayan. Papalaot na sana si Jeff sa mas malaking hamon , sa mas malaking laban, sa mas malawak na paglilingkod sa sambayanan ng siya ay maaksidente at masawi. Sayang, pero kapuri-puring buhay. Na sa maikling panahon ay naipakita kung saang direksyon patungo. Nasimulan nang tahakin ni Jeff ang daan tungo sa wagas na pagmamahal at paglilingkod sa bayan.

Masusukat ang naging halaga ng ating naging buhay sa paraang kung para kanino ito ginugol, ipinaglingkod at ginamit. Maikli man ang naging buhay ni Jeff sa ating daigdig, naging makabuluhan pa rin ito . Sa loob ng maikling panahon na iyan, makikita na kay Jeff ang intensyon, sigasig at determinasyon. Makikita na sa kanya ang kahandaan ipagkaloob ang kanyang panahon, kakayahan at buhay sa ating bayan. Mapalad ang mga magulang , kamag-anak, mga kaibigan , minamahal at nagmahal kay Jeff. Mapalad kayo dahil nagkaroon kayo ng isang Jeff. Paramihin natin ang mga katulad ni Jeff.

Para sa atin lahat , bayani ka Kasamang Jeff,

Para sa Katribu at katutubong mamamayang Pilipino, inspirasyon ka sa amin. Umasa kang ipagpapatuloy naming ipaglalaban ang interes at kapakanan ng mga katutubo at mamayan na iyo ring niyakap.

Mabuhay ka kasamang Jeff. Mabuhay ang Sambayanang iyong minahal at pinaglingkuran.
Maraming Salamat Kasamang Jeff

Mula sa Pambansang Tanggapan .
Katribu Party List

Tingnan ang link para sa isang tribute video- http://www.facebook.com/video/video.php?v=1586605026912&comments

volunteer.png donate.png

KATRIBU Partylist National Headquarters
Room 302, UCCP Building, 877 EDSA, West Triangle, Quezon City, Philippines
Telefax No: (+63 2) 412-5340; (+63 2) 486-4099

KATRIBU Partylist Cordillera Region
2nd Floor, #55 Ferguson Road, Baguio City, Philippines
Tel. No. (+63 74) 300-4239
Fax No. (+63 74) 443-7159

KATRIBU Partylist Mindanao
13 Francisco St., Juna Subd., Matina, Davao City, Philippines
Tel. No. (+63 82) 299-4964