Katutubo nanawagan ng hustisya para kay Doc Ortega!
Sa komemorasyon ng ika-1 taon ng pagpaslang kay Doc Ortega
Katutubo nanawagan ng hustisya para kay Doc Ortega!
Enero 24, 2012, isang taon na ng pagkapatay kay Doc Gerry Ortega. Kasamang nananawagan ang mga katutubo sa ilalim ng KATRIBU partylist ng Hustisya para kay Doc Ortega at sa iba pang Biktima ng Pampulitikang Pamamaslang.
Ayon kay Bb. Kakay Tolentino, dumagat na tagapagsalita ng KATRIBU Partylist, “ Ang kawalan ng malinaw na hustisya para kay Doc Ortega ay isang anyo ng muling pagpatay sa kanyang alaala at dagdag pasakit sa kanyang mga kapamilya at kaibigan.
“Nananawagan kami sa Department of Justice sa ilalim ng pamumuno ni Secretary Laila De Lima na maglaan ng malaking panahon at atensyon sa ginagawang muling pag-iimbistiga sa nasabing kaso. Ang mabagal na muling pag-iimbistiga ay pagpapakita lamang ng kawalan ng paniningan ang rehimeng Aquino na malitis at mahatulan ang mga may kakagawan ng walang pakundangang pagpatay ng mga lider aktibista ng kalikasan tulad ni Doc Ortega. Sampu ng kanyang kapamilya kami ay may malaking pangamba na baka matulad lamang ito sa mga napakaraming kaso ng Extra Judicial Killings na hanggang ngayon ay hindi pa nareresolba.
Ayon sa Grupong Indigenous People Human Right Watch at Kalipunan ng mga Katutubong Mamamayan ng Pilipinas (KAMP) mayroong naitalang 164 EJK sa mga katutubo mula 2001 haggang 2011 habang ang National Union of Journalist in the Phillipines ay may naitalang 150 kaso ng EJK sa mga media practitioners mula 1986 haggang 2011, kabilang na dito si Doc. Ortega na isang lider aktibista ng kalikasan at mamamahayag sa radio sa probinsya ng Palawan.
“Kami ay mahigpit na nakikipagkaisa sa pamilya, kaanak, kaibigan ni Doc Ortega sa panawagang panagutin ang mga pumaslang kasama ang mga kasabwat at utak na nagpakana ng pagpatay sa kanya. Nanawagan kami sa DOJ na paghusayin ang ginagawang muling pag-iimbistiga sa kaso ni Ortega para masampahan ng kaso ang mga gumawa at utak ng pagpaslang.
Ayon sa investigation ng DOJ umamin diumano si Arturo Regalado na may kinalaman sa kaso at itinuturo nito si Palawan ex-governor Joel Reyes bilang mastermind.
“Nakakainis isipin na sa gitna ng pag-amin ng salarin at may itinuturong mastermind sa nasabing kaso ay hindi pa rin ginagawa ng DOJ na sampahan ito ng kaso.
Nanawagan din ang grupo sa administrasyon ni P-Noy na seryosohin nito ang pangangalaga sa karapatan ng mga mamamayan at bigyan ng hustisya ang mga biktima ng walang pakundangang pampulitikang pamamaslang.
Ang “matuwid na daan” nito ay sya namang kabagalan sa pagsasagawa ng mga resolusyon sa mga kaso ng pamamaslang na pagpapakita lamang ng kawalan ng senseridad at kawalan ng hustisya sa ilalim ng pamumuno ni Pinoy.-30-





